Before Leaving 2023..

in Hive PH6 months ago

1.jpg

2.jpg

Ang maituturing kong “best gift” ngayong Pasko ay ang regalo ng hindi pagsuko sa sarili o “perseverance” para lagpasan ang lahat ng mga nangyari sa akin ngayong taon. Mahirap man o malungkot, naging daan ito para manalo pa rin sa buhay. Naniniwala ako na ang buhay ay puno ng desisyon sa araw-araw; ang pagpili ng paggising sa umaga, ang pagpili na magtrabaho, at ang pagpili kung maiinis ka ba sa jowa mo o huwag na lang. At sa pagdaan ng mga pagsubok na halos pagkapit na lamang ang iyong pagpipilian, ay itutuloy mo pa rin. Itutuloy mo mabuhay, magkamali, matuto sa pagkakamali, tanggapin at magpatuloy. Ito ang bumuhay sa akin, literal. Gabi gabi ko ibinubulong sa hangin lahat at huli kong sasambitin na “kaya ko pa, pipiliin kong kayanin pa”, at bigla na lamang ako makakatulog nang maginhawa ang pakiramdam, kaya siya naging espesyal sa akin, “the art of acceptance”.

3.jpg

Ang pagalis ko sa anim na taon kong trabaho para magturo sa ibang bansa. Hindi ko nakuha ang “back pay” ko sa companya. Maituturing kong isa sa pinakamadilim na tatlong buwan nang aking buhay ito. Mahirap kasi mawalan ng trabaho sa Pilipinas, hindi naman ako ipinanganak ng may pilak na kutasara sa bibig. Ngunit nang dumating ang araw ng paglabas ng aking “american visa”, para na din akong nabunot sa Christmas raffle na ang premyo ay kabuhayan “showcase”. Nawala ang pagod at puyat sa pagiyak, naibsan ang sakit ng mga tinik na nakatusok sa aking puso. At ito din ang taon ng una kong Pasko na hindi kasama ang pamilya ko. Ito ang mga tumatak talaga kapag binabalikan ko ang taong 2023.

4.jpg

6.jpg

5.jpg

Pasasalamat sa lahat ng tao na nakita yung paghihirap ko at hindi ako tinapunan ng masasamang tinapay, naintindihan ang paglisan ko at tanggap pa rin ako. Pasasalamat sa pamilya kong tinulungan akong iangat ang sarili ko para bumangon muli at okay lang magkamali. Pasasalamat sa jowa ko na iniyak man ang pagalis ko, suportado pa rin sa pangarap ko na maging si “Olaf” este maging mahusay sa aking larangan. At itinataas ko ang aking buong pasasalamat sa Maykapal. Pinakinggan niya ako at binigyang leksyon na ang lahat ng bagay na ihinihingi at pinagdarasal ay makakamit sa tamang panahon; matuto lamang maghintay.

Dear Self, alam ko na napapagod ka; na pagod ka na. Alam kong inilalabas mo ito kapag tulog na ang lahat dahil katahimikan lamang ang hiling mo. Alam ko rin na gusto mo naman unahin ang iyong sarili, para nakapokus ka sa pag unlad mo. Alam ko lahat iyon, rinig ko lahat iyon, ramdam ko lahat iyon. Isa lamang ang payo ko sayo, lagi mong iisipin kung bakit mo ginagawa lahat ng bagay na ito. Para kanino mo ginagawa at para saan mo ginagawa. At ngayon, mas mahalin mo na ang sarili mo dahil hindi naman masama patuloy mong mahalin ang mga tao sa paligid mo.

Anong 2023 highlights mo @cthings

all images are mine unless stated otherwise

Sort:  

Congratulations @coach-p! You have completed the following achievement on the Hive blockchain And have been rewarded with New badge(s)

You received more than 900 upvotes.
Your next target is to reach 1000 upvotes.

You can view your badges on your board and compare yourself to others in the Ranking
If you no longer want to receive notifications, reply to this comment with the word STOP

Check out our last posts:

Hive Power Up Month Challenge - December 2023 Winners List
Be ready for the January edition of the Hive Power Up Month!
Hive Power Up Day - January 1st 2024
 6 months ago  

Thanks for the tag, Pat!
2023's been tough.

Isa lamang ang payo ko sayo, lagi mong iisipin kung bakit mo ginagawa lahat ng bagay na ito.

I needed this advice,too!

Cheers to a great new year! ✨