Literaturang Filipino: Manalo o Matalo, Nagtagumpay Pa Rin Kami

kj.PNG


Nakaraang taon nang magkaroon ng paligsahan sa Accounting ang mga unibersidad sa Cebu bilang paggunita sa taunang Accountancy Week. Isinagawa ito sa Ayala Center, Cebu.

Hindi naging madali para sa mga manlalahok ang basta-basta lang pagtungtong sa entablado at irepresenta ang buong unibersidad. Kailangan ng puspusang pag-aaral at pag-unawa sa mga asignaturang kabilang sa mga paksang maaaring isali sa paligsahan. May mga gabing gising ang diwa, salat sa tulog, at kasama lamang ay kape at tinapay, hanggang sa mag-umaga; umaasang hindi naging balakid ang puyat sa pag-unawa sa mga bagay na binasa.

Nandoon pa iyong pressure dahil marami ang umaasang madadala ninyo iyong tropiyo pagkauwi; na sulit iyong perang ginastos para sa paligsahan na ito, at hindi mapunta sa wala ang lahat… ng mga paghihirap ko… namin.

Pero hindi ganoon kadali ang pagkamit sa tagumpay.

Dumating ang araw ng paligsahan, sinalat pa sa sasakyan papuntang Ayala! Pinunan pa ng trapik na hindi na yata mawala-wala. Hindi alam kung ipagpapasalamat ba ang Filipino time na sinasabi nila, pero dahil doon, nagawa naming hindi mahuli sa pagsisimula.

Dala-dala ang karunungang nilinang ng ilang taong pag-aaral, mga gabing paghasa sa mga nakaraang naunawaan, at pati ang kaba na baka… baka pag-upo sa entablado at isalaysay ang unang tanong ay mali pa ang naisagot ko. Ang saklap lang.

Mabuti na lang at hindi iyon nangyari.

Habang nakaupo sa ibabaw ng entablado, kasama ang apat na kasama ko sa paligsahan at ang mga representate ng ibang unibersidad, naitanong ko sa sarili ko, “Alin ang mas mabuti? Ang maging isang panauhin na lamang o maging isang kalahok?”

Pero hindi din pala madali ang maging panauhin lang. Naranasan ko rin iyon ng minsang ibang representante naman ng aming unibersidad ang lumahok sa iba pang paligsahan. Nandoon pa rin pala yung kaba, mauubos din pala yung boses mo sa kasisigaw kapag tama ang naisagot. Minsan pang nagkakaroon ng iringan dahil iba-iba ang mga sinusuportahan ng mga panauhin.

Easy round. Average round. Lumipas na ang dalawang set ng mga tanong, at nandoon na kami sa pinakamahirap. Pero alam ko naman, pagbabasehan ang mga nalikom na puntos, talo kami. Matatalo kami pero hindi nawala iyong pag-asa na baka… baka pwede pa. Mananalo pa.

Anong basehan ng pagkapanalo? Dapat ba ikaw iyong nasa unahan? Dapat ba ikaw iyong pinanakaangat? Hindi ba pwedeng ikaw iyong sumunod sa una? Pangalawa. O di kaya pangatlo.

Habang isinasagawa ang panghuling set ng mga tanong, kinakabahan ako… kami. May pag-asa pang makamit yung pangalawa o pangatlong pwesto. Puro desidido ang nalalabing mga representante. Walang gustong umurong at magpatalo. Kaya iyong kaba na akala ko unti-unting mawawala, mas lumala pa.

Sa kahuli-hulihan, kami iyong tinanghal na pangatlong nanalo. Natalo man kami, pakiramdam namin kami ay nagtagumpay. Hindi nasayang ang mga gabing ginugol sa pag-aaral. Hindi nasayang ang sigaw at oras ng mga kaibigan namin.

Natalo man, nagtagumpay pa rin kami”, bulong ko at tumalikod na at hinabol ang mga kasama kong sabik na ipagdiwang ang natamong tagumpay.