Literaturang Filipino | Munting pangarap ng isang anak sa labas

in #literaturag-filipino6 years ago (edited)

Source

Lingid sa kaalaman ng karamihan sa aking mga kaibigan, ako'y isang unwanted baby kung ituring at isang illegitimate daughter. Ang ibang tao ay gusto akong tawaging anak sa labas o di kaya'y anak ng isang kasalanan. Bata pa lamang ay puro panghuhusga na ang naabutan ko sa mga kaklase, kapitbahay at maging sa mga pinsan ko. Hindi lubos maintidihan ng mosmos kong pag-iisip noon kung bakit parang ang daya-daya ng kapalaran.

Isang araw habang ako'y nagsusulat ng aking talaarawan ay bigla akong napaisip na isulat lahat ng bagay na gusto kong makamit sa buhay. Simula sa simpleng pagtatapos sa sekundarya at kolehiyo hanggang sa mabigyan ng sariling bahay ang aking pamilya. Sa kalagayan namin, ang pagtuntong sa kolehiyo ay parang pag urong ng bundok sa kinalalagyan nito. Ganunpaman, pinagtibayan ko ang aking loob at sabay sa bawat panalangin ko sa Poong Maykapal ang pagsusumikap upang unti-unti kong makamit ang aking mga pangarap. Nakapagtapos ako ng sekundarya at nakakuha ng isang pribilehiyong makapasok sa isa sa mga prestihiyosong unibersidad sa Cebu. Hindi naging madali ang limang taon ko sa kolehiyo sapagkat kinailangan kong magtrabaho bilang isang call center agent, tutor, at taga gawa ng thesis at samu't saring proyekto ng aking mga kakilala upang ako'y makapagpadala ng pera pangtustos sa pangangailangan ng aking mga kapatid. May konting negosyo naman ang aking mga magulang ngunit hindi iyon sapat upang mapag-aral kaming lahat kaya pinagsikapan kong matulungan din sila sa mga gastusin sa bahay.

Source

Sa suporta ng aking mga magulang at tulong pinansyal ng mga mabubuting tao kalakip na ang konting naipon ko ay nakatapos ako ng kolehiyo Marso ng nakaraang taon. Labis-labis ang galak na aking naramdaman ng makita kong abot tenga ang ngiti ng aking mga magulang. Lahat ng pagpupuyat ay nagbunga na rin sa wakas. Ngunit hindi doon natatapos ang aking paglalakbay. Sa halip ay mas nagpursige ako dahil may mga kapatid pa akong nag-aaral at ang nakakatanda kong kapatid ay nakapagdesisyon na ring magkolehiyo.

Sa ngayon, ilang buwan na lamang at makakapagtapos na sa kolehiyo ang nakakabata kong kapatid. Sa susunod na taon ay makakapagtapos na rin sa Senior Highschool ang isa ko pang kapatid. Patuloy pa ring nakikipagsapalaran sa buhay ang aking ate na kahit mahirap pagsabayin ang pag-aaral at pag-aalaga ng limang bata ay lakas loob nyang hinaharap ang pagsubok sa buhay. Unti-unti ko na ring pinag-iiponan ang pagpapalago sa negosyo namin sa probinsya. Kung noon ay naglalakad lamang ang aking ama upang maideliver ang binibenta naming puto cheese, ngayon ay nabilhan ko na siya ng motorsiklo. Nabilhan ko na rin ng bagong gamit sa kusina ang aking ina. At ngayon, kung mas pagpapalain pa ng Poong Maykapal ay makakapag ipon na rin ako ng sapat na pera upang makapagtayo ng sariling bahay para sa aking pamilya.

Hanggang dito na muna lamang at sana'y nabigyan ko kayo ng inspirasyon sa nailahad kong kwento ng aking buhay.

Lubos na nagmamahal,
@nikkabomb

Source


Ito'y aking lahok sa patimpalak ng @steemph.cebu. Basahin ang iba pang likha sa pamamagitan ng tag na #literaturang-filipino at #pangarap. Maraming salamat.

Sort:  

Salute!!!! Iba ka talaga @nikkabomb! Alam ko na sa pamamagitan ng iyong pagpupursige, magiging matagumpay din sa huli! Aja! 🙌🏻💪

Salamar @namranna! Ikaw rin, alam kong magtatagumpay ka. :) AJA! :*

You deserve all the happiness in the world! More blessings to come @nikkabomb.

thanks @dearyjoyce 😍😊💕